Pananagutan
Maraming ulit nang tinalakay rito sa ating sulok ang pagsisikap ng mga awtoridad upang mahuli at masamsam ang mga ilegal na droga na nakalulusot sa bakuran ng Bureau of Customs (BOC) at nakararating sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Ilang beses na rin natin pinuri ang mga elemento ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), National Bureau of Investigation (NBI) at Philippine National Police (PNP) dahil sa matatagumpay nilang operasyon laban sa ilegal na droga.
Kamakailan nga lang ay naulat na nakasamsam ang mga awtoridad ng P1 bilyon halaga ng ipinagbabawal na shabu sa isang warehouse sa Malabon.
Batay sa proseso ng batas sa kampanya laban sa droga ay natural na kinakasuhan ang consignee o nakatalang pagdadalhan ng narkotikong pumasok sa bansa.
Pero kung inyong mapupuna, ang warehouse o bodega kung saan ikinubli at nakumpiska ang sandamakmak na ilegal na droga ay kadalasang nakalulusot sa pananagutan.
Kaya naman nagmungkahi ang isang mambabatas na amyendahan ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 upang maging ang mga may-ari ng mga espasyo na ginagawang imbakan ng ilegal na narkotiko ay maparusahan.
Ayon sa bill ni Senator Sherwin Gatchalian, kapag napatunayang guilty o sadyang nagkasala ang mga may-ari o nagpapaupa ng anumang istraktura na ginawang taguan o kaya ay laboratoryo na gawaan ng ipinagbabawal na droga o kemikal ay dapat managot.
Puwede silang makulong nang 12 hanggang 20 taon at pagmultahin sa pagitan ng P100,000 hanggang P500,000.
Maganda rin kung papasa ang naturang bill ni Gatchalian dahil matutuldukan nito ang patuloy na pakikipagsabwatan ng mga may-ari ng warehouse sa malalaking personalidad na kunektado sa droga o kaya ay itinuturing na drug lord.
Panahon na para managot ang mga may-ari ng warehouse na nakikinabang din sa pagpapagamit ng puwesto sa mga drug personality kapalit ng malaking halaga.
Oo nga’t nagnenegosyo lang sila pero hindi sa lahat ng oras ay puro pera lamang ang dapat binibigyan ng pagpapahalaga. May hangganan din ito kapag nagpapagamit na sila at pinapaboran ang mga kriminal at hinahayaan silang patuloy na mamayagpag, pagtaguan at linlangin ang batas.
Magkaroon naman sila ng konsensya at alalahanin din sana ang mga kawawang nagiging biktima ng bawal na droga at kung paano nawawasak ang kanilang pamilya, gumuguho ang kanilang mga pangarap at nasisira ang kanilang mga kinabukasan.
Pero nais nating ipagbigay-alam na ang sinusuportahan ng Firing Line ay mga lehitimong operasyon lamang laban sa droga. Kailan man ay hindi natin binigyan ng suporta ang walang pakundangang pamamaslang sa mga tulak at gumagamit ng droga na tinataniman ng ebidensya at ipinalalabas na lumaban sa awtoridad.
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa firingline@ymail.com o mag-tweet sa @Side_View.
——————
Editor’s Note: Robert B. Roque Jr. is a veteran journalist who started out as a correspondent for Manila Bulletin’s tabloid TEMPO in 1983. In 1989, at age 27, he rose to become the youngest associate editor of a newspaper of national circulation. In mid-2000, he took the helm of the paper as its editor until his voluntary retirement in 2012. He currently writes a syndicated column for TEMPO, Remate, and Hataw newspapers, the online news site Beyond Deadlines, and now forTHEPHILBIZNEWS.COM. A former journalism lecturer at the Faculty of Arts and Letters of the University of Santo Tomas from 1992 to 2002, Roque is also an active member of the Lions Clubs International, the largest service club organization in the world, having served as head of the Philippine Lions (council chairperson) in Lion Year 2011-2012. His column appearing here regularly will be written in Filipino on Tuesdays and in English on Thursdays.