FIRING LINE: Self defense o murder

Share on facebook
Facebook
Share on twitter
Twitter
Share on linkedin
LinkedIn
Share on whatsapp
WhatsApp
Share on email
Email

By Robert B. Roque, Jr.

Armado nga ba ang apat na sundalong napatay ng mga pulis sa Jolo, Sulu?

Bilang lead investigator sa insidente, kailangang malaman ng National Bureau of Investigation (NBI) ang katotohanan kung armado ba talaga o hindi ang mga napaslang.

May mga nagsasabi na tinamnan ng mga pulis ng mga armas ang mga sundalo, tulad ng paglalagay umano ng baril sa sling bag ni ex-Army Corporal Winston Ragos, na pulis din ang pumatay, sa isang Quezon City checkpoint noong Abril 21.

Ngayong nahaharap sa asunto ang siyam na pulis na sangkot sa shooting, ang mga sundalong rumesponde at kumuha sa mga gamit ng mga nasawi nilang kasamahan ay dapat na kasuhan din sa pakikialam sa crime scene.

Depensa naman ng militar, walang pulis sa lugar nang rumesponde ang mga sundalo.

Bukod dito, kapatid ng isa sa mga napatay, si Corporal Abdal Asula, ang isa sa mga sundalong rumesponde, at nanguna ito sa pagkuha sa mga gamit ni Asula.

Iginigiit ng mga pulis na self defense daw ang nangyari dahil tinutukan umano sila ng mga baril ng mga sundalo. Pero para kay Lt. Gen. Gilbert Gapay, Philippine Army chief, rubout ang naganap. “It was murder,” aniya.

Kinumpirma mismo ng Philippine National Police (PNP) na hindi nagpaputok ng baril ang mga sundalo, kaya binawi nila ang naunang pahayag na misencounter ang nangyari.

*         *         *

Ang nakapag-aalala dito ay kung hindi magustuhan ng militar ang outcome ng imbestigasyon. Baka gumawa ng pagkilos ang mga sundalo para makamit ang para sa kanila ay hustisya para sa mga nasawi, isang bagay na hindi nagawa at magagawa ng mga kamag-anak ng mga sibilyan na napatay ng ilang abusado at trigger-happy na mga pulis sa kasagsagan ng drug war.

Magiging sundalo laban sa pulis ito kapag nagkataon! At ito rin marahil ang nasa isip ni Pangulong Duterte kaya desidido siyang mamagitan sa PNP at Armed Forces of the Philippines (AFP). Nagpumilit siyang pumunta sa Zamboanga nitong Biyernes upang magkahiwalay na kausapin ang mga pulis at ang tropa ng mga sundalong sangkot sa insidente.

Anuman ang kalalabasan ng imbestigasyon ng NBI, sawang-sawa na tayo sa pag-aasta ng PNP bilang “killing machine” ng administrasyon.

Nakalimutan na yata ng mga pulis na hindi ang walang patumanggang pagkitil sa buhay ang kanilang mandato.

*         *         *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa firingline@ymail.com o mag-tweet sa http://@Side_View.

Tags: